MALABONG maipasa sa Kamara ang gay marriage, abortion at divorce bill kasunod ng deklarasyon ng Supreme Court na constitutional ang Reproductive Health Law.
Itinanggi ni House Speaker Feliciano Belmonte na isusunod nang isasabatas ng Kongreso ang nabanggit na mga panukalang batas na nakabinbin sa Kamara.
Aniya, bagamat nakahain na ang divorce bill ay hindi pa aniya napapanahon upang ito ay isabatas gayundin aniya ang pananaw ng mga kongresista bukod pa aniya sa tulad din ng ibang panukala ay kailangan nitong dumaan sa mahabang proseso.
Kailangan ayon kay Belmonte na dumaan sa masusing pag- aaral ng committee at public hearing bago tuluyang makarating sa plenaryo at maaprubahan.
Paliwanag pa ni Belmonte na sa ngayon ay hindi pa prayoridad ang mga ito dahil marami pang importante na dapat unahin na tulad ng Bangsamoro, pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon at ang Freedom of Information bill.
Maging ang abortion bill ay malayo pang makalusot dahil sangkot na aniya rito ang ginagampanan ng Diyos sa mga hindi pa isinisilang na sanggol na role na hindi dapat pakialaman ng tao bukod dito taliwas din ito sa kanilang paniniwala kaya malabo ito at kailanman ay hindi magiging agenda ng Kongreso.
Ginawa ni Belmonte ang pahayag bilang tugon sa espekulasyon na isusunod na ring isasabatas ng Kongreso ang mga panukalang gay marriage, divorce at abortion matapos ideklara ng Korte Suprema na hindi labag sa batas ang RH Law.
The post Gay marriage, abortion at divorce bill malabo sa Kamara – Belmonte appeared first on Remate.