CAVITE- May bago at malinaw na mukha na ang isa sa gunmen ni Rubylita “Rubie” Garcia, pinaslang na reporter ng pahayagang ito nang ilabas ng pulisya ang computerized facial composite nito base na rin sa pagsasalarawan ng ilang saksi at kaanak ng biktima.
Kung ikukumpara sa naunang ipinalabas na sketch ng lokal na pulisya rito, ang computerized facial composite isang makabagong pamamaraan upang lumitaw na mas malinaw ang mukha ng suspek batay na rin sa paglalarawan ng saksi.
Matatandaan na ang pamamaslang kay Garcia ay isinagawa ng dalawang armadong lalaki na walang takip sa mukha na kung saan ay nasaksihan ng apo at anak nito habang nasa loob ng kanilang tahanan sa Bacoor, Cavite noong Linggo.
Ang bagong mukha ng gunman ni Rubie ay inilabas matapos magkamali ang pulisya sa hinihinalang suspek na si Airon Cruz na nalambat sa isang buy-bust operation sa Cavite City nitong nakalipas na Martes ng hapon.
Negatibo ang naging resulta ng operasyon ng Cavite PNP nang tanggihan ng mga kaanak ni Rubie at linawin na hindi si Cruz ang salarin.
Gayunman ay sinampahan na ng kaukulang kaso matapos makumpiskahan ito ng cal. 38 revolver at 8 plastic sachet ng hinihinalang shabu. Si Cruz ay pinaniniwalaang kabilang sa grupo ng gun-for hire sa Cavite kaya nakasama ito operasyon ng pulisya.
Kaugnay nito ay sinabi ni Cavite Police Provincial Director P/Sr. Supt. Joselito Esquivel na rerepasuhin nila ang closed-circuit television (cctv) footage na makukuha nila sa ilang residente ng Bacoor, Cavite upang makatulong sa kaso.
Ayon naman kay PRO4A CALABARZON Director Police Chief Supt. Jesus Gatchalian, hindi sila titigil hanggang sa matukoy ang mga salarin upang panagutin sa naturang krimen.
The post Gunman ni Rubie Garcia may bagong mukha appeared first on Remate.