IPINASASAMPA na ng Department of Justice ang kasong serious illegal detention at grave coercion laban sa negosyanteng si Cedric Lee at modelong si Deniece Cornejo gayundin ang lima pang respondent sa kasong inihain ng actor/tv host na si Vhong Navarro.
Nakasaad sa resolusyon na inaprubahan ni Prosecutor General Claro Arellano na bukod kina Cedric at Deniece, kasama rin sa pinakakasuhan ng kasong serious illegal detention at grave coercion sina Bernice Lee, Simeon Raz, Jose Paolo Calma, Ferdinand Guerrero at Jed Fernandez.
Batay sa resolusyon, tatlong elemento ng kasong serious illegal detention ang nakita sa reklamong isinampa ni Vhong, kasama na ang deprivation of liberty o pagkakait ng kalayaan at infliction of serious physicial injury o pananakit.
Kasama rin sa kasong ipinasasampa laban sa pitong respondent ang reklamong grave coercion dahil pinilit si Navarro na lumagda sa blotter nang labag sa kanyang kagustuhan.
Ang kaso laban kina Lee, Cornejo at sa limang iba pa ay ipinasasampa sa Taguig Regional Trial Court.
Samantala, ibinasura naman ng DoJ ang kasong rape na inihain ni Cornejo laban kay Navarro.
Ayon sa DoJ, malabong mangyari ang panggagahasa sa ilalim ng sirkumstansya na inilahad ni Cornejo sa kanyang affidavit dahil lumalabas na walang nakarinig sa kanya na sumigaw, bukas din ang pintuan ng kanyang condo unit, wala rin siyang kahit isang gasgas sa katawan at hindi rin siya nagpadala sa ospital.
The post Illegal detention at grave coercion vs Lee, et al ipinasasampa na appeared first on Remate.