PINAG-IINGAT ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko laban sa isang batch ng medisina na ginagamit na panlunas sa breast cancer at boluntaryong bawiin ng manufacturer nito.
Ayon kay FDA head Kenneth Hartigan-Go, boluntaryong ni-recall ng Fresenius Kabi Philippines Inc. ang Paclitaxel 30mg/1.5mL Solution for Nanoparticle Injection (Nanoxel) matapos maobserbahang ang Concentrate of Excipients nito ay naging dilaw na likido, na taliwas sa registered specification nito na dapat ay clear colorless, bago pa man ang aprubadong shelf-life nito.
Batay sa Advisory No. 2014-025, sakop ng recall ang lahat ng gamot na may batch numbers 873TF00103 (nanoxel injection) at 873RX001 (accompanying concentrate of excipients), na ginawa noong Enero 2013 at may expiry date na December 2014.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Hartigan-Go ang mga distributors, retailers, ospital, pharmacies, at mga klinika na mayroong stock ng apektadong batch ng Paclitaxel 30mg/mL Solution for Nanoparticle Injection (Nanoxel) at kasamang Concentrate of Excipients, na itigil na ang paggamit at distribusyon ng naturang gamot.
Nabatid na ang produkto ay ginagamit na panlunas sa breast cancer matapos ang bigong kumbinasyon ng chemotherapy para sa metastatic disease o relapse sa loob ng anim na buwang adjuvant chemotherapy.
The post Publiko pinag-iingat sa breast cancer medicines appeared first on Remate.