HUWAG kaligtaan ang diwa ng Kuwaresma at magsakripisyo lalo na sa mismong Mahal na Araw.
Ito ang payo ng Episcopal Commission on Youth (ECY) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga kabataan na kasalukuyang nakabakasyon sa mga paaralan.
Inamin ni Fr. Kunegundo Garganta, executive secretary ng CBCP-ECY, na may mga kabataan ang hindi na iniisip ang pakikibahagi sa mga aktibidad na may kaugnayan sa Mahal na Araw at mas pinaghahandaan ang kanilang pagbabakasyon at paghahanap ng pagkakalibangan.
Naniniwala naman si Garganta na walang masama sa paglilibang at pagsasaya ng mga kabataan sa kanilang bakasyon ngunit dapat lamang nilang isaalang-alang ang panahon kung kailan isasagawa.
Pinaalalahanan naman niya ito na kung nais magsagawa ng mga aktibidad na nakatuon lamang sa pansariling kaligayahan ay dapat na gawin nila ito pagkatapos ng Holy Week.
Hinihikayat aniya ng komisyon ang mga kabataan na magpakita rin ng pagtulong sa kanilang mga magulang sa mga gawaing bahay at pagpapakita ng pagmamahal sa mga ito.
Sa kasalukuyan ay ginugunita ng Simbahang Katolika ang panahon ng Kuwaresma kung saan nagsisimula ito sa Miyerkules ng Abo at nagtatapos sa Linggo ng Pagkabuhay.
The post Magsakripisyo sa Mahal na Araw – CBCP appeared first on Remate.