KASABAY ng pagsisimula ng tag-init ay opisyal nang binuksan ng pamahalaang lungsod ng Marikina sa pamamagitan ng Marikina Sports Center ang Summer Sports Camp 2014, ganoon din ang pagbuo sa Marikina Sports Commission upang mas higit na maisulong ang palakasan sa lungsod. Ang seremonya ay ginanap sa lingguhang pagtataas ng watawat noong Lunes sa Freedom Park, Brgy. Sta. Elena.
Bukas para sa mga Marikenyo edad pito hanggang 16 na taon, ang Summer Sports Camp ay magtuturo ng arnis, badminton, basketball, baseball/softball, football/soccer, rugby, swimming, lawn tennis, table tennis, volleyball, taekwondo, mixed martial arts, wrestling at karatedo.
Samantala, nanumpa naman sa tungkulin ang mga kasapi o bumubuo sa Marikina Sports Commission sa pangunguna nina Mayor Del De Guzman bilang honorary chairman at Frankie Ayuson bilang deputy chairman. Kabilang din sa samahan ang mga konsehal na bumubuo ng Committee on Youth and Sports Development na sina Konsehal Mark Albert Del Rosario, Konsehal Samuel Ferriol, Konsehal Mario De Leon, at Konsehal Xyza Diazen. Ang iba pang kasapi ng sports commission ay sina Konsehal Levy De Guzman (pangulo ng Association of Barangay Captains), Jose Ramos (Office of the Vice Mayor), Dr. Elizalde Cena (Sports Coordinator ng Department of Education-Marikina), Paul Edward Sison (Public Information Office) at Dr. Angelito Llbares (Marikina Sport Center). Kabilang din sa Commission ang mga kinatawan ng lokal na samahan sa palakasan sa lungsod: Paulo Motita II (arnis), Johnny Pensaber (badminton), Sonny Manucat II (basketball), Lito Ordonez (battled ball), Marty Antonio Gomez (cycling), Tetel Siasoco (football), Jun Garcia (futsal), Angel Rastrullo (swimming), Edgar Margate (table tennis), Alma Jocson (volleyball) at Erwin Gamao (wrestling).
“Tayo ay naniniwala na ang mga Marikenyo ay may angking galing sa larangan ng palakasan. Kaya naman nais nating higit na isulong ito sa ating lungsod sa pamamagitan ng mga aktibidad na tulad ng Summer Sports Camp, ganoon din ang pagbuo ng isang commission na higit na tututok sa pangangailangan ng mga atleta sa ating lungsod,” wika ni De Guzman.
Ang tanggapan ng Marikina Sports Center ang magsisilbing Secretariat ng Marikina Sports Commission.
Para sa mga katanungan at iba pang impormasyon hinggil sa Summer Sports Camp at Marikina Sports Commission, maaaring makipag-ugnayan o tumawag sa Marikina Sports Center sa numero bilang (02) 646-1635.
The post Summer Sports Camp 2014 binuksan ng Marikina appeared first on Remate.