NAKIKIPAG-UGNAYAN pa ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Embahada ng Pilipinas sa Madrid, Spain kung may Pinoy na kabilang sa limang nasawi sa aksidente makaraang mapatid ang kable ng sinasakyang lifeboat ng mga biktima sa isinasagwang pagsasanay o safety drill ng isang dambuhalang Cruise ship sa Canary Island noong araw ng Linggo.
Sa ulat na natanggap ng DFA, nagsasagawa ng routine safety drill ang nakadaong na Cruise Ship na MS Thomson Majesty sa Port of Santa Cruz dela Palma sa Canary Island na magiging batayan ng mga pasahero at crew kung papaano ang agarang pagliligtas kung may hindi inaasahang pangyayari nang maganap ang trahedya.
Habang isinasagawa ang drill, napatid ang kableng pinagkakapitan ng lifeboat habang sakay ang tatlong Indonesian, isang Ghanian atisang Pinoy kaya bumulusok ito sa may taas na 65-talampakan o 20 metro sa dagat.
Sugatan din sa naturang insidente ang isa pang Pinoy at tatlong Griyego na pawang mga tripulante ng barko.
Napag-alaman na may sakay na 1,498 na pasahero ang naturang Cruise ship na nagsagawa ng routine safety drill nang mangyari ang insidente.
Tiniyak naman ng pamunuan ng Thomson Cruise na bibigyan nila ng kaukulang tulong ang pamilya ng mga naapektuhan sa naturang trahedya habang isinasagawa pa ang imbestigasyon kung bakit nangyari ang insidente.