DEDO ang isang lalaki habang sugatan ang dalawang kaibigan nito makaraang sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang bahay sa North Signal Village, Taguig City, kaninang madaling araw.
Dakong alas-3:00 ng madaling araw, minamaneho ni John Rey Sagun ang isang motorsiklo habang angkas sina Alfred Lumbay, 16-anyos at Bryan Morales, 17, pawang residente ng Sto. Niño St. sa Central Village.
Nawalan nang kontrol si Sagun kaya’t sumalpok sa isang bahay.
Agad na isinugod ang mga biktima sa Taguig-Pateros District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival si Sagun habang nagtamo naman ng sugat sa katawan ang mga kaibigan nito.
Lumalabas sa imbestigasyon na nasa impluwensiya ng alak ang mga biktima nang maganap ang insidente.
Masuwerte namang walang nasaktan sa mga nakatira sa sinalpok na bahay.