SA pagamutan humantong ang isang lalaki makaraang pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek na dadalo sana sa kaarawan ng kanyang kaibigan noong Miyerkules ng hapon, Abril 2, sa Brgy. North Bay Boulevard South, Navotas City.
Nakaratay at inoobserbahan pa sa Tondo Medical Center (TMC) ang biktimang si Danilo Buenalos, 51, residente ng Block 20, Phase 5, San Jose del Monte, Bulacan sanhi ng pitong tama ng bala ng kalibre .45 sa iba’t ibang parte ng katawan.
Mabilis na tumakas ang hindi pa nakikilalang suspek bitbit ang ginamit na baril.
Sa imbestigasyon ni PO2 Jeffrey Montero, alas-5:30 kamakalawa ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Block 16, Phase 2, Area 1, North Bay Boulevard South (NBBS).
Nabatid na mag-isang naglalakad ang biktima sa nasabing lugar patungo sa kaibigan nito nang salubungin ng hindi nakilalang suspek at walang sabi-sabi na pinagbabaril.
Nauna rito, nagtungo ang biktima sa nasabing lugar dahil sa imbitasyon ng isang alyas Erning, kaibigan ng biktima na nagdaraos ng kanyang kaarawan.
Nakarekober ang mga pulis ng pitong empty shells ng kalibre .45 sa pinangyarihan ng insidente.
The post Kelot na pupunta sa handaan, pinagbabaril appeared first on Remate.