IPINAGBIGAY-alam sa himpilan ng pulisya ng kapatid ni Pasay City Vice Mayor Marlon Pesebre ang ginawang pagbabanta sa buhay nila ng abogado ni dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo.
Nagreklamo sa pulisya si Ruben Pesebre Roldan, isang inhinyero at residente ng 72 Almazor St., Nichols, Pasay City nang tawagan ni Atty. Ferdinand Topacio noong Marso 31 sa kanyang tinutuluyang condominium sa Brgy. Sto Niño, Marikina City at binantaan siyang papatayin at kanyang buong pamilya.
“Itigil mo yang construction ng Voshe, ayusin mo yan before or on April 7 or ipapapatay kita at ang buong pamilya saan man kayo magtago at lumayas na kayo sa condo,” ito aniya ang sinabi ni Topacio nang tawagan si Pesebre alas-3 ng hapon.
Ayon kay Pesebre, lubos siyang nangangamba habang nag-uusap sila ni Topacio dahil sa mga pagbabanta sa kanya kaya’t kaagad siyang komunsulta sa abogado na nagpayo sa kanyang i-report ang pangyayari sa pulisya.
Sinabi ni Pesebre na hindi lamang siya ang nasa panganib kaugnay sa naturang pagbabanta kundi maging ang bise alkalde ng lungsod ng Pasay dahil buong pamilya nila ang pinagbabantaan ng abogado ng dating Unang Ginoo.
Si Ruben Pesebre ay tumatayo ring entertainment editor ng People’s Journal at kilala sa pangalang Butch Roldan.
The post Editor pinagbantaang patayin ni Atty. Topacio appeared first on Remate.