PINAKAKASUHAN na kanina ng Office of the Ombudsman ng plunder at graft sa Sandiganbayan ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles, mga senador na sina Juan Ponce Enrile, Bong Revilla at Jinggoy Estrada kaugnay ng kontrobersyal na pork barrel scam na pawang non-bailable offenses.
Sa press conference, binigyang-diin ni Assistant Ombudsman Asyrman Rafanan na nakakita ang Ombudsman ng probable cause para sampahan ng kaso ang mga senador at si Napoles matapos gamitin ang kanilang kapangyarihan at magsabwatan kaugnay ng pork barrel scam.
Gayunman, sinabi ni Rafanan na hindi naman agad maisasampa ang naturang kaso laban sa mga nabanggit dahil bibigyan pa ng pagkakataon ang mga ito na magbigay ng kasagutan hinggil sa rekomendasyon ng Ombudsman.
Aniya, limang araw na palugit ang ibinibigay sa mga nabanggit para sagutin ang rekomendasyon.
Kaninang umaga ay nagpalabas din ng rekomendasyon ang Senate Blue Ribbon committee na kasuhan ng plunder ang mga nabanggit kaugnay ng pork barrel scam.
Batay sa mga dokumento, sinasabing si Estrada ay naglaan ng pondo sa pekeng non-governmental organizations (NGO) ni Napoles na Social Development Program for Farmers at National Agri-Business Corporation (NABCOR).
The post Napoles, Enrile, Revilla at Estrada kakasuhan na ng plunder appeared first on Remate.