BABASAHIN at pag-aaralan muna ng Malakanyang ang inilabas na resolusyon ng Ombudsman ukol sa pork barrel scam bago sila magpalabas ng opisyal na pahayag ukol dito.
Sa text message mula kay Press Secretary Herminio “Sonny” Coloma, Jr., sinabi nito na “no comment” muna sila sa usapin hangga’t hindi pa nila nakikita ang nasabing resolusyon.
Sa ulat, nagdesisyon ang Office of the Ombudsman na pormal nang isampa ang plunder case laban kina Senator Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, Ramon Revilla at negosyanteng si Janet Lim-Napoles kaugnay ng P10 billion pork barrel scam.
Sa kabilang dako, kumbinsido ang Malakanyang na walang halong pulitika ang pagsasampa ng kaso sa ilang mambabatas kaugnay ng pork scam dahil ang mga ito ay nakabatay sa nakalap na ebidensya ng justice department.
Sinabi naman ni Assistant Ombudsman Asyrman Rafanan na kabilang sa mga kasong inirekomenda laban sa mga ito ay plunder at graft na pawang “non-bailable” offenses.
Matatandaang noong nakaraang taon, una nang naisampa ng Department of Justice (DoJ) sa Office of the Ombudsman ang kasong plunder o pandarambong laban sa tatlong senador, limang dating kongresista at pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles kaugnay sa umalingasaw na P10 billion pork barrel scam.
Kabilang sa respondents sa kaso ay sina Enrile (P172.8 million); Estrada (P183.79 million); Revilla (P224.5 million); dating congresswoman at ngayon ay Masbate Gob. Rizalina Seachon-Lanete (P108.4 million); dating APEC Partylist Rep. Edgar Valdez (P56.09 million).
Bukod sa plunder, naghain din ng kasong malversation of public funds ang DoJ laban sa mahigit 35 pang katao kasama na ang ilang chief of staff ng mga mambabatas at mga opisyal ng implementing agency sa ilalim ng executive department.
The post Malakanyang no comment sa plunder case vs 3 senador appeared first on Remate.