BUMABA ng 41% ang bilang ng dengue cases na naitala ng Department of Health-National Capital Regional Office (DOH-NCRO) ngayong taon.
Batay sa ulat ng DoH-Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU), nabatid na mula Enero 1 hanggang Marso 22, 2014 ay nakapagtala lamang sila ng 1,638 dengue cases sa Metro Manila na mas mababa naman ang naturang bilang kumpara sa 2,796 kaso ng sakit na naitala sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.
Lima sa mga pasyente ang kumpirmadong nasawi dahil sa dengue.
Ang Maynila ang may pinakamataas na kaso ng dengue na naitala sa bilang na 363, sumunod ang Quezon City (302), Las Pinas (139), Pasig City (133), Caloocan City (118), Parañaque City (108) at Taguig City (103).
Kaugnay nito, tiniyak ng DOH-NCRO na patuloy ang kanilang mosquito spraying at clean-up activities sa Pasig, Malabon at Quezon City gamit ang water-based permethrine, kung saan iniulat na dumarami ang bilang ng mga Culex quinquefasciatus mosquitoes o household mosquitoes.
Tiniyak rin ni Health Undersecretary Ted Herbosa na hindi sila titigil sa kanilang kampanya hanggang hindi tuluyang napupuksa ang mga lamok sa rehiyon.
Hinimok rin nito ang publiko na ipabatid sa kanilang tanggapan ang mga lugar kung saan maraming lamok upang makapagsagawa sila ng mosquito spraying activities doon.
The post Dengue cases bumaba ng 41% appeared first on Remate.