INIHAIN na ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang P130.59 milyong forfeiture case laban kina dating Chief Justice Renato C. Corona at sa asawa nito na si Cristina bilang dating Camp John Hay Development Corp. President at Board chairperson dahil sa pag-abuso sa kapangyarihan upang magkaroon ng ill-gotten wealth.
Sa 27-pahinang petisyon na nilagdaan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales, agad hiniling ng Ombudsman sa Sandiganbayan na mag-isyu ng writ of preliminary attachment na pipigil upang magamit ng mag-asawang Corona ang kanilang ari-arian sa Quezon City at Fort Bonifacio, Taguig City kabilang ang peso at dollar deposits sa iba’t ibang bangko.
Halos nasa tatlong talampakan ang taas ng mga ebidensyang inihain ng Ombudsman sa forfeiture case.
Batay sa Ombudsman, may probable cause upang sampahan ng walong kaso ng perjury at walong kaso ng paglabag sa RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees ang mag-asawang Corona.
Hindi pa kabilang sa inihain ng Ombudsman ang criminal case sa Sandiganbayan dahil sa kakapusan ng panahon kahapon ng hapon.
Nadetermina ng Ombudsman na ang lehitimong ari-arian ng mga Corona ay nagkakahalaga lamang sa P30.37 milyon na kinita nito bilang legal officer sa Office of the President noong 2001, bilang miyembro ng Supreme Court (SC) mula 2002 hanggang 2011 at bilang miyembro ng Senate Electoral Tribunal (2008-2009) at ng House Electoral Tribunal (2009-2010)
Si Ginang Corona naman ay kumita bilang opisyal ng JHDC mula 2007 hanggang 2010 ng P30.37 milyon.
Subalit nagdeklara lamang ang mga Corona ng P13.97 milyon na net worth sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth noong 2001, P22.94 milyon sa kanyang 2010 SALN o tumaas lamang ng P8.97 milyonsa loob ng 10 taon.
The post Pagbawi sa mga ari-arian ni Corona isinulong appeared first on Remate.