IPINAGHARAP ng tax evasion sa Deparment of Justice (DoJ) ang Presidente ng Philippine Medical Association na si Leo Olarte dahil sa kabiguang magbayad ng buwis na aabot sa P2.93 milyon sa taong 2006 hanggang 2012.
Nakasaad sa reklamo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na bukod sa isang doktor, abogado rin si Olarte na nagtuturo sa Far Eastern University (FEU) at University of the East (UE) ngunit hindi idinedeklara ang kanyang kinikita sa ibang propesyon nito.
Patutsada ni BIR Commissioner Kim Henares, una na nilang sinampolan ang pangulo ng PMA dahil si Olarte na mismo ang naghamon na kasuhan ang mga doktor na hindi nagbabayad ng tamang buwis.
Una nang nagkaroon ng alitan ang PMA at ang BIR dahil sa kontrobersyal na advertisement ng BIR na nagpapakita na pasan ng ibang nagbabayad ng buwis ang ibang propesyonal na hindi nagbabayad ng tamang buwis kung saan umalma ang PMA dahil ang mga doktor umano ang tinutukoy ni Henares.
Tinuran ni Olarte na kasiraan sa kanilang propesyon ang nasabing BIR ads dahil ipinapakita nito na tax evader ang mga doktor na wala namang katotohanan.
Sa gitna ng awayan ay hinamon ni Olarte si Henares na sa halip na lahatin ang mga doktor sa pagsasabing mga tax evader ay siya ang sampahan na lamang ng kaso.
The post PMA president kinasuhan ng tax evasion appeared first on Remate.