TINIYAK ng Malakanyang na protektado ng pamahalaan ang mga testigo sa pagpatay kay broadcaster-environmentalist Gerardo Ortega noong 2011 lalo pa’t kung may pagbabanta sa buhay ng mga ito.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte na kailangan nga lamang na kausapin si Justice Secretary Leila de Lima sa bagay na ito.
“Wee are committed to protecting the witnesses who need protection. It is a matter of approaching the Secretary of Justice to say that ‘kailangan po namin ng inyong tulong,’ at sinabi na nga po ni Secretary De Lima that the death of the witness will not affect the ongoing at the main case so we are fully committed to providing security to those who will ask for the protection of the DOJ,” ayon kay Usec. Valte.
Ang paniniyak ng Malakanyang sa seguridad ng iba pang testigo ay bunsod ng pagkamatay ng dalawang testigo sa Ortega slay case na sina Dennis Aranas at Percival Lecias.
Si Ortega ay binaril sa Puerto Princesa City noong Enero 2011.
Si Aranas ay nakaditine sa Quezon Provincial District Jail. Natagpuan itong patay sa loob ng kanyang selda na may strap ng bag na nakapulupot sa kanyang leeg.
Habang si Lecias naman ay namatay noong Setyembre matapos ang matagal na pakikipaglaban nito sa kanyang sakit sa kidney.