HINDI inilagay sa red alert status ang buong Presidential Security Group (PSG) sa kabila ng napakalaking event ang idaraos sa Malakanyang bukas, Marso 27, sa Kalayaan Ground, Malakanyang.
Sa isang text message, sinabi ni PSG head Raul Ubando na magtatalaga lamang sila ng karagdagang personnel sa loob at labas ng Malakanyang para bigyang seguridad ang mga bisita na dadalo sa nakatakdang paglagda sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) sa pagitan ng Philippine government at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Nauna rito, nagpasaklolo na si Ubando sa Metro Manila Development Authority (MMDA) at Manila Police para bantayan ang trapiko.
Sa kabilang dako, itinuring naman ni Sec. Lacierda na ito ang kauna-unahang pagkakataon na magdaraos ng napakalaking event sa Malakanyang simula nang maupo si Pangulong Aquino noong taong 2010.
Ayon kay Presidential spokesman Edwin Lacierda, may 500 miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang susugod sa Malakanyang upang saksihan ang paglagda sa CAB.
Magsisimula ang event ng alas- 4:00 ng hapon habang ang mga bisita naman ay inaasahang darating sa Malakanyang ng 2:00 hanggang 3:00 ng hapon.
Nauna nang tiniyak ni Presidential Adviser on the Peace Process Secretary Teresita Quintos Deles na may kabuuang 1,000 katao ang dadalo sa paglagda ng CAB.
Kinumpirma naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagdalo ni Malaysia Prime Minister Najib Razak, tumatayong third party facilitator ng peace talks.
Inaasahan ding magde-deliber ng kani-kanilang speech sina Pangulong Benigno Aquino III, Deles at MILF chief Al Haj Murad Ebrahim sa nasabing seremonya.
The post 1,000 personalidad dadalo sa paglagda sa CAB appeared first on Remate.