HINILING ni Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Atty. Edmund Abesamis sa Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon upang matukoy ang motibo at ang pagkakakilanlan ng mga salarin sa pagpatay sa barangay chairman sa Caloocan City, noong Martes ng umaga.
Kasabay nito, nakiramay din si Abesamis sa pamilya ng napaslang na si Chairman Pedro Ramirez, 57, ng Brgy. 183, Amparo at naninirahan sa nasabing lugar.
Ayon pa sa Presidente ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas, nararapat lamang na bigyan ng pansin ng PNP ang pagpatay kay Ramirez dahil hindi ito ang unang may nangyaring pagpatay o pananakit sa opisyal ng barangay sa Caloocan City.
“Ang mga opisyal ng barangay ay ang unang tinatakbuhan ng ating mga kababayan kapag sila ay may problema sa kanilang lugar kaya’t dapat lamang na bigyan ng pansin ng PNP ang ginawang pagpatay kay Chairman Ramirez upang hindi na ito masundan pa”, sabi pa ni Abesamis.
Matatandaan na naganap ang pagpatay kay Ramirez noong Martes dakong 7:45 ng umaga sa harapan ng Amparo Hardware and Construction Supply na matatagpuan sa Gate 2, Amparo Subdivision, Quirino Highway ng lungsod.
Sa pinakahuling ulat ng pulisya, kasalukuyang nakatayo ang biktima sa harapan ng naturang hardware nang bigla na lamang sumulpot ang dalawang kalalakihan na sakay ng motorsiklo.
Pagkakita ng mga suspek sa biktima ay agad na binunot ng nakaangkas sa motorsiklo ang dalang baril at walang sabi-sabing pinagbabaril si Ramirez hanggang bawian ito ng buhay bago mabilis na nagsitakas ang mga salarin.
Matatandaan na bukod kay Ramirez ay naunang napatay si Chairman Alejandro Bonifacio ng Barangay 163 na pinagbabaril din ng riding-in-tandem sa Baesa, Caloocan City noong Marso 2 ng kasalukuyang taon.
Noong nakalipas namang Sabado (March 22) nang pagbabarilin din si Kagawad Luisito Banzon, 37-taong gulang ng Brgy. 187, Tala ng suspek na nakamotorsiklo habang ito ay nagbababa ng bigas mula sa sasakyan na naging dahilan kaya’t hanggang ngayon ay inoobserbahan ito sa Jose Rodriguez Hospital.
Dahil sa sunod-sunod na pananakit at pagpatay na ito sa mga opisyal ng barangay sa Caloocan City ay nakiusap si Abesamis sa PNP na higpitan pa ang pagpapatupad ng checkpoint sa mga kritikal na lugar upang agad na maaresto ang mga riding-in-tandem na naghahasik ng lagim sa buong lungsod.
The post Pagpatay sa kapitan sa Caloocan pinaiimbestigahan ni Abesamis appeared first on Remate.