SINAMPAHAN na kanina ng kasong P12-million libel sa Quezon City Prosecutors Office ng broadcast journalist na si Erwin Tulfo ang tatlong editor at isang reporter ng pahayagang Philippine Daily Inquirer (PDI) kaugnay ng malisyosong panulat na nagdidiin sa kanya sa kontrobersyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.
Sa apat na pahinang reklamo, kinasuhan ni Tulfo sa pamamagitan ng abogadong si Atty. Nelson Borja ang mga taga-PDI na sina Letty Jimenez-Magsanoc, editor-in-chief; Artemio Engracia, Jr., news editor; Jose Maria Nolasco, managing editor at Nancy Carvajal, reporter.
Binigyang-diin ni Tulfo na libelous at malisyoso ang artikulo sa PDI noong March 19 na “Payoffs to Media Bared’’ na sinasabing nakinabang daw siya sa pondo ng National Agribusiness Corporation (NABCOR). Ang NABCOR ang government agency na sinasabing ginamit ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles para makakuha ng malaking halaga ng salapi sa gobyerno gamit ang pekeng NGO.
Sa naturang artikulo, sinasabing sina Tulfo at ang broadcaster na si Carmelo del Prado Magdurulang o Melo Del Prado ng DZBB ay nakinabang sa pondo mula sa PDAF ng mga mambabatas.
Nakasaad din sa artikulo na gamit umano bilang kabayaran kay Tulfo “in the guise of advertising expenses” ang pondong P245,535 na naka-tseke mula sa NABCOR noong March 10,2009.
Bunga ng mapanirang artikulo, sinabi ni Borja na ang kanyang kliyente ay dumanas ng mental anguish, hindi mapagkatulog at public ridicule kaya dapat magbayad ang PDI sa paninira kay Tulfo.
The post PDI kinasuhan ni Erwin Tulfo appeared first on Remate.