IMBES na sa barko ang punta ng 42-anyos na seaman, sa kulungan ito dumiretso makaraang arestuhin ng mga tauhan ng Manila Action and Special Assignment (MASA) matapos ireklamo nang panggagahasa ng menor-de-edad kung saan ay kinuhanan pa ito ng video na isinagawa sa isang kilalang hotel sa Sta. Cruz, Maynila.
Kinilala ang naarestong suspek na si Roderick Padilio, seaman, at tubong Kabangkalan, Negros Occidental habang itinago naman ang biktima sa pangalang “Christina”, 17.
Sa salaysay ng biktima, naganap ang panghahalay sa kanya ng suspek noong nakaraang Marso 12 makaraang pumayag siyang makipagkita dito dahil may kailangan siyang pirmahan na importanteng dokumento upang magamit sa kanyang pangingibang bansa.
Tiwala ang biktima kaya’t nakipagkita ito sa suspek kung saan ay dumiretso sila sa City State Hotel sa Sta. Cruz, Maynila.
Sa pag-aakalang mga dokumento at mga papeles upang makapunta siya sa ibang bansa ang dadatnan sa kuwarto ng suspek, laking gulat ni Christina nang bigla siyang nilingkis at pinaghahalikan ni Padilio.
Tinangkang manlaban ng biktima ngunit nanaig ang lakas ng suspek kaya’t nagawa niyang kunin ang pagkababae nito. Hindi pa nasiyahan ang suspek dahil habang hinahalay nito ang biktima ay nirerekord nito ang kababuyan gamit ang kanyang laptop.
Matapos ang panggagahasa ay tinakot ng suspek ang biktima na huwag magsusumbong kaninoman dahil ikakalat nito sa Facebook ang nirekord na pakikipag-“sex” sa kanya.
Matapos ang mahigit isang linggo ay muling nag-text ang suspek sa biktima kung saan gusto nitong makipagkitang muli sa dalagita ngunit binalewala niya na lamang ang mensahe.
Ngunit muling nag-text ang suspek at tinakot nito ang biktima kung saan nagpadala ito ng mensahe na “kapag ‘di ka nakipagkita sa akin baka ipost ko na ‘to sa mga facebook at mga friends mo”.
Bunsod nito, nakipagkasundo ang biktima na makipagkita sa suspek sa isang mall sa tapat ng city hall kung saan humingi naman ng tulong sa MASA .
Agad namang nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ni C/Insp. Irinco na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Ayon sa suspek, nagawa lamang niya ang naturang pagrerekord ng sex video upang may mabitbit siyang “souvenir” dahil papaalis na uli siya ng bansa sa susunod na buwan.
The post Pag-rape sa dalagita ini-record ng seaman bilang souvenir appeared first on Remate.