BINALAAN ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko laban sa pagbili ng ilang produktong pampa-sexy na galing sa ibang bansa dahil sa posibleng masamang side effects ng mga ito sa kalusugan.
Ito’y kasunod nang pagkakakumpiska ng FDA at National Bureau of Investigation (NBI) sa ilang produktong pampa-sexy galing China tulad ng cream na pampalaki ng dibdib at puwet.
Nauna rito, sinalakay ng FDA at NBI ang pitong drugstore sa Carriedo at Ronquillo St. sa Sta. Cruz, Manila kamakailan na nagresulta sa pagkasamsam ng mga naturang imported na slimming at body enhancement products.
Iginigiit naman umano ng mga nagtitinda ng mga naturang produkto na lisensyado ang mga nakumpiskang produkto sa lugar kung saan nila ito inangkat.
Gayunman, iginiit ng FDA at NBI-Intellectual Property Rights Division, na hindi ito nangangahulugang pasado na rin sa Pilipinas ang mga gamot kung naaprubahan ito sa ibang bansa.
Naninindigan rin ang mga awtoridad na dapat pa ring dumaan ang mga naturang imported products sa pagsusuri ng FDA bago ibenta sa bansa.
Mahigpit na binabantayan ng FDA ang mga produkto dahil marami sa mga bumibili nito ay hindi alam ang side effects ng mga mumurahin at hindi lisensyadong gamot.
Iimbestigahan pa ng awtoridad ang naturang mga nakumpiskang produkto.
The post FDA nagbabala sa slimming at body enhancement products appeared first on Remate.