KINUBRA na ng 65-anyos na lolo ang mahigit P50 milyong jackpot prize ng 6/42 Lotto na binola noong Marso 13 sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Pasay City.
Hindi lubos maisip ng bagong instant milyonaryo na retiradong kawani ng isang pribadong kompanya at nagmula sa Valenzuela City na matutupad na nito ang kanyang pangarap na makabili ng bagong kotse.
Nabatid kay PCSO General Manager Jose Ferdinand Rojas II, solong napanalunan ng masuwerteng lolo ang kabuuang P50,677,708.00 matapos makuha ang tamang kombinasyong 01 05-15-20-21-23 na napag-alamang hinugot mula sa araw ng kapanganakan ng miyembro ng kanyang pamilya.
Bukod sa bagong sasakyan, plano rin nito na bayaran na ang kakulangan sa hinuhulugang bahay, maglagak ng puhunan sa negosyo at bahaginan ng balato ang mga anak.
Kaugnay nito, sinabi ni Rojas na posibleng umabot sa mahigit P143 milyon ang jackpot prize ng 6/55 Grand lotto na bobolahin ngayon Miyerkules ng gabi makaraang wala pa ring makatumbok sa lumabas na kombinasyong 08-29-17-51-26-32 na may katumbas sanang premyong P132,512,236.00 na binola noong Lunes ng gabi.
Wala ring nakakuha sa tamang kombinasyong 15-27-39-25-03-04 ng 6/45 Mega lotto na may premyong P15,476,736.00.
The post P50-M lotto jackpot kinubra na ng 65-anyos winner appeared first on Remate.