NAGPAHAYAG ng paniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) hinggil sa malaking posibilidad na ‘daanan’ at bisitahin ni Pope Francis ang Visayas Region sa Agosto matapos ang gagawing pagbisita sa Korea para sa idaraos na Asian Youth Day (AYD) doon.
Kaugnay nito, sinabi ni Fr. Kunegundo Garganta, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Youth (ECY), lider ng Filipino delegation sa nalalapit na 6th AYD, dapat lamang aniyang ikonsidera ng pamahalaan na pabilisin ang rehabilitation program sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda may apat na buwan na ang nakararaan.
Matagal nang umuugong ang balita hinggil sa posibleng pagbisita ng Santo Papa sa Eastern Visayas matapos bumisita sa bansa ang kanyang envoy na si Cardinal Robert Sarah ng Pontifical Council Cor Unum noong Enero.
Mismong si Sarah ang naghayag sa plano ng Santo Papa sa isang banal na misa na ipinagdiwang nito sa Palo, Leyte, na malubhang sinalanta ng bagyo.
Ayon kay Garganta, kung matutuloy ang Papal visit ay magsisilbi itong hamon sa pamahalaan dahil tiyak na malalagay muli sa limelight ang bansa sa pamamagitan ng international media coverage.
Naniniwala naman si Garganta na hindi nanaisin ng pamahalaan na malagay sa mahirap na sitwasyon kung mismong ang Santo Papa ang makakasaksi sa mabagal na aksyon nito sa pagtulong sa mga typhoon survivors.
Naninindigan din si Garganta na magiging isang malaking biyaya para sa mga Pinoy kung maglalaan ng oras si Pope Francis para bisitahin ang Pilipinas sa kanyang unang biyahe sa Asya dahil makatutulong ito para palakasin pa ang loob ng typhoon survivors at mapataas ang morale ng mga Pinoy na tumutulong sa kanila.
The post Visayas region bibisitahin ni Pope Francis appeared first on Remate.