UMAAPELA sa pamahalaan ang isang pari para maipatupad ang price freeze sa basic commodities sa Leyte para matulungang makatayong muli sa kanilang mga sariling paa ang mga biktima ng bagyong Yolanda.
Ayon kay Palo Archdiocese spokesperson Fr. Amadeo Alvero, ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan ay siya pa ring pangunahing problema ng mga tao sa Leyte sa ngayon.
Iginiit ni Alvero na patuloy na nagdurusa ang mga tao dahil sa mahal na bilihin partikular na ang suplay ng pagkain at labis aniya silang nalulungkot dahil dito.
Umapela naman ang pari sa pamahalaan na umaksyon sa naturang problema na nagdadagdag lamang sa pasanin ng mga biktima ng bagyo.
Sinabi ng pari na sa kabila ng una nang price freeze order mula sa DTI, ay nag-doble at nag-triple pa ang presyo ng mga bilihin sa Leyte, particular na umano sa Tacloban City.
Nanawagan rin siya sa DTI na i-monitor ang presyo ng mga basic goods upang matiyak ang implementasyon ng price freeze order.
The post Price freeze sa mga bilihin sa Leyte hiniling appeared first on Remate.