PATULOY ang pangunguryente ng Meralco Bolts matapos pagpagin ang GlobalPort Batang Pier, 104-99 sa PLDT myDSL PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum kagabi.
Natalo ang Bolts sa kanilang unang laro sa nasabing season kontra San Miguel Beer, (dating Petron Blaze Boosters) 76-94 at pagkatapos ay bumangon sa kanilang pangalawang laro laban sa Alaska Aces, 85-76.
Dahil sa panalo Meralco ay nakapagtala na ang Bolts ng 2-1 win-loss record at kasalo nila ang Beermen at Air21 sa second to fourth spot.
Hinabol ang Batang Pier ang 18 puntos na abante ng Bolts subalit dahil sa laki ng lamang ay kinapos na rin ang una sa bandang huli.
Nangalabaw si import Butch Brian ng 42 points at 24 rebounds habang nakakuha siya ng suporta kina locals Gary David, Anjo Caram at Reynel Hugnatan na may 16 pts. at tig siyam na puntos ayon sa pagkakasunod.
Si Evan Brock ang nanguna sa opensa para sa GlobalPort matapos magsumite ng 32 pts. at 23 boards habang kasunod niya si rookie Terrence Romeo na may 21 markers.
Samantala, sa unang laro pinintahan ng Rain or Shine Elasto Painters ang unang panalo matapos kaldagin ang Alaska, 92-78.
Nasa sixth to seventh place ang E-Painters kasama ang Barangay Ginebra Gin Kings tangan ang 1-1 karta habang ang Alaska ay pumailalim sa eighth to ninth place bitbit ang 1-2 card.
May 24 puntos si Jeff Chan para sa RoS habang ang import nilang si Alexander McLean ay nakapagtala ng 19 pts. at 18 rebounds.
Nakatakda namang magharap mamayang 3:00 ng hapon sa nasabing lugar ang nangungunang Talk ‘N Text Tropang Texters laban sa Barako Bull Energy Cola habang sa pangalawang laro ay makikita ang San Mig Super Coffee Mixers at crowd favorite Gin Kings.
The post Bolts kinuryente ang Batang Pier appeared first on Remate.