TODAS ang dalawang hinihinalang tulak ng shabu matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Tondo, Maynila, Huwebes ng gabi.
Nakuha mula sa bulsa ni Simon Berioso, 32 anyos, tubong Misamis Occidental, residente ng 1st Ave., Beverly Hills, Antipolo ang dalawang pakete ng shabu.
Habang inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng isa pang biktima na inilarawang nasa edad 30 hanggang 35 taong gulang, nakasuot ng checkered na damit, maong shorts at asul na tsinelas.
Kapwa may tama ng bala sa ulo ang dalawang biktima.
Ayon sa imbestigasyon ni PO3 Julieto Malindog ng Manila Police District Homicide Division, dakong 8:25 ng gabi nang marinig ng isang Jhing Ferolin ang dalawang magkasunod na putok ng baril malapit sa kanyang tindahan sa pagitan ng Bldg. 14 at 18, Temporary Housing, Vitas, Tondo, Maynila.
Nabatid na bumili ng alak sa tindahan ni Ferolin ang dalawang lalaki na may alyas na Uncle at Botchok nang umalingawngaw ang magkasunod na putok.