INIULAT ng Philippine National Police (PNP) sa Commission on Elections (Comelec) na umakyat na sa 592 ang bilang ng mga gun ban violators na kanilang naaresto hanggang nitong Pebrero 7 ng umaga.
Kabilang sa mga ito ang 527 sibilyan, dalawang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), 11 miyembro ng PNP, isang miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP), walong government official, 40 security guard, at isang miyembro ng CAFGU.
Nakakumpiska rin naman ang mga awtoridad ng 529 iba’t ibang uri ng armas: siyam na airgun/airsoft gun at firearm replicas; 20 granada; 156 na pampasabog na kinabibilangan ng mga dinamita; 142 na bladed at pointed weapons at 3,117 na ammunitions.
Kaugnay nito, kabilang sa mga naaresto ng PNP ay isang pribadong minero na si Donato Bincola, 40.
Si Bincola ay inaresto ng mga security guards ng Benguet Corporation matapos na magbiyahe ng 150 piraso ng dinamita ng walang kaukulang lisensiya o dokumento noong Pebrero 5.
Kinumpiska rin ng mga awtoridad ang mga naturang dinamita na may sukat na 12 pulgada at may marking ‘Orica’ Senatel Magnum danger explosive.
Ang gun ban ay sinimulang ipatupad noong Enero 13 at inaasahang magtatapos sa Hunyo 12 o isang buwan matapos ang May 13 midterm elections.