TINATAYANG nasa P300,000 halaga ng mga ari-arian na napinsala makaraang masunog ang isang apartment sa kanto ng Makiling at Basilio streets sa Sampaloc, Maynila, kaninang madaling araw.
Sa report sa radyo ngayong umaga, dakong alas-4:30 ng madaling araw nang magsimula ang sunog sa ikatlong palapag ng apartment na pag-aari ng isang Atty . Alberto Bernardo.
Umabot ang sunog sa ikatlong alarma at tuluyang naapula makalipas ang 30 minuto.
Wala namang naiulat na nasaktan sa pangyayari.
Lumalabas sa imbestigasyon na maaaring electrical overload sa master’s bedroom ang sanhi ng sunog.