MAGPAPAKALAT ng halos 500 pulis ang Manila Police District (MPD) sa selebrasyon ng Chinese New Year simula bukas (Sabado) at sa Linggo.
Ayon kay Chief Inspector Erwin Margarejo, tagapagsalita ng MPD, itatalaga ang mga pulis para tiyakin ang seguridad ng mga makikilahok sa selebrasyon at upang maisaayos ang daloy ng trapiko sa lungsod.
Bukod dito, makikipag-sanib pwersa ang pulis Maynila sa lokal na pamahalaan, mga organizer at non-government organizations (NGOs) para sa seguridad ng mga makikiisa sa pagdiriwang.
Bukas may ikinasang parada ang Chinese community na dadaan sa Escolta, Quintin Paredes, Ongpin, Sabino Padilla, Alonzo, Soler at Reina Regente.
Habang sa Linggo naman ang grand parade na magsisimula ng alas-3:00 ng hapon sa Plaza Lorenzo Ruiz. Dadaan ito sa Condeza, Ongpin, Plaza Sta. Cruz, Tetuan, Dasmarinas, Paredes at babalik ng Plaza Lorenzo Ruiz.