IMINUNGKAHI ng minority congressmen ang isang resolusyon na humihikayat sa administrasyong Aquino na bigyan ng tig-P40,000 bilang agarang financial assistance ang may 3.4 milyong pamilya na naapektuhan ng bagyong Yolanda.
Panawagan nina Gabriela Women’s Party (GWP) Reps. Emmi De Jesus at Luz Ilagan na kunin mula sa natitirang pondo ng 2013 Quick Response Fund, P14.6 bilyon supplemental budget, Presidential Social Fund, at cash grants mula sa foreign aid pledges, ang naturang ibibigay na pondo.
Ani Gabriela Rep. De Jesus, nanatili pa ring kulang ang aksyon at hakbang ng gobyerno sa mga nasalanta ng bagyo sa kabila na apat na buwan na ang nakalipas matapos tumama ang bagyong Yolanda.
Ang mga kongresista ay sinuportahan at sinamahan ng People Surge, isang organisasyon ng Yolanda Survivors sa Bills and Index Section sa paghahain ng resolusyon.
Tinataya na ang tig-P40,000 immediate financial relief bawat pamilyang naapektuhan ng bagyo ay para pangtustos ng mga ito sa loob ng dalawang buwan.
Binatikos din ni Ilagan na prayoridad ng gobyerno ang Public-Private Partnership projects ng pamahalaan sa halip na sa agrikultura na may pinakamalaking sira.
The post P40,000 bawat pamilyang biktima ng Yolanda isinulong appeared first on Remate.