PATULOY ang pagbagsak ng katawan ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Kinumpirma ito ng mga doktor sa Veterans Memorial Medical Center bunsod ng pagpapanumbalik ng kanyang dysphagia o kahirapan na makalunok ng solidong pagkain.
Batay sa pinakahuling medical update na may petsang Marso 5, 2014 ng VMMC, sinabi ng mga doktor ni Arroyo na dumaranas ito ng esophageal stenosis o pagliit ng lalamunan o esophagus na nauwi sa pagkawala ng kanyang gana na kumain.
Si GMA na nagsisilbi ng kanyang ikalawang termino bilang kongresista ng Pampanga ay nasa ilalim ng hospital arrest sa VMMC dahil sa kasong plunder kaugnay sa pagkakasangkot niya sa maling paggamit ng P366 milyong intelligence funds ng Philippine Charity Sweepstakes Office kasama ang ilang dating opisyal ng PCSO.
Ang medical bulletin ay nilagdaan ni Dr. Martha Nucum, medical team head at hepe ng VMMC’s Medical Professional Staff, na isinumite sa Sandiganbayan First Division ng kanyang defense lawyer na si Modesto Ticman.
Kinumpirma ni Nucum na lumitaw sa pinakabagong MRI (magnetic resonance imaging) study ni Arroyo na mayroon itong “multilevel spine compression and bone degeneration (osteoarthritis)” na dahilan para bigyan ito ng physiotherapy at non-steroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDS), dalawang beses sa isang linggo.
Malaking tulong aniya sa pasyehnte ang procedures subalit “no actual significant clinical improvement” ang nakikita sa kanyang kondisyon.
Ani Nucum, bukod sa medical procedures, ang iba pang paraan tulad nang pagpayag na makapaglakad-lakad ito sa labas ng kanyang detention room at regular na intereaksyon ng mga miyembro ng pamilya ay makatutulong na mapabuti ang kondisyon ng dating pangulo.
The post GMA lalo pang pumapayat appeared first on Remate.