MAAARI nang ituloy ng Department of Justice ang preliminary investigation sa hiwalay at magkakasunod na reklamong syndicated estafa na inihain laban kay Globe Asiatique founder Delfin Lee.
Ito ay makaraang magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order laban sa desisyon ng Court of Appeals na may petsang June 26, 2013 at November 11, 2013 at sa desisyon ng Pasig RTC Branch 167 na may petsang April 10, 2013 na pumigil sa pag-usad ng preliminary investigation ng DOJ sa ikalawa, ikatlo at ikaapat na criminal complaints ng syndicated estafa laban kay Lee.
Ang TRO ay ipinalabas ni Supreme Court Second Division Chair Associate Justice Antonio Carpio kasunod ng inihaing petisyon ng DOJ.
Sa tatlong pahinang notice na pirmado ni Supreme Court Second Division Clerk of Court Ma. Lourdes Perfecto, tinukoy ng Kataas-taasang Hukuman na ang kinukwestiyong kautusan ni Judge Rolando Mislang ng Pasig RTC ay maituturing na panghihimasok sa kapangyarihan ng DOJ na magsagawa ng imbestigasyon sa mga krimen at mag-usig ng mga lumalabag sa batas.
Dahil dito, nahaharangan din umano ang paggagawad ng katarungan.
Ang TRO ay ipinalabas para maiwasan ang tinatawag na irreparable injury sa panig ng DOJ.
Kasabay nito, pinigil din ng Korte Suprema ang pag-usad ng kasong sibil na may kinalaman din sa kasong kinakaharap ni Lee na nakabinbin sa sala ni Judge Mislang.
Ang TRO na ipinalabas nuong March 3, 2014 ay mananatiling may bisa hanggang hindi binabawi ng Korte Suprema.
Iniutos din ng Korte Suprema sa kampo ni Lee na magsumite ng komento hinggil sa nasabing petisyon sa loob ng sampung araw.
The post Preliminary investigation sa syndicated estafa ni Lee itutuloy na appeared first on Remate.