PINAG-AARALAN ulit ng Department of Justice (DoJ) ang testimonya ni dating Technology Research Center (TRC) director-general Dennis Cunanan para pagbatayan kung dapat bawiin ang pagiging provisional state witness nito matapos kuwestiyunin ng mga senador ang kredibilidad ng huli sa nagdaang Senate hearing ukol sa pork scam.
Ayon kay Presidential spokesman Edwin Lacierda na kasalukuyan nang nirerebisa ni Justice Secretary Leila de Lima ang testimonya ni Cunanan na nahaharap din sa kasong plunder.
Nauna nang kinuwestiyon ng mga senador ang kredibilidad ni Cunanan matapos itanggi na tumanggap din siya ng kickback na P960,000 mula sa negosyante at pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles nang magpunta sa JLN Corp.
Ipinagdiinan ng whistle blower na si Benhur Luy na may natanggap na kickbacks si Cunanan kapalit ng pagpirma nito ng tseke at vouchers para mailagay ang milyong pisong pondo ng pamahalaan sa bogus non-government organizations ni Napoles.
Agad na nakita ni Senador Francis Escudero ang magkakaibang pahayag nina Luy at Cunanan sa aspetong ito.
Hindi naman nagustuhan ni Senador JV Ejercito ang tila naging palakad ni Sec. de Lima na kaagad na ginagawang state witness ang isang akusadong indibidwal na nag-apply para maging pangunahing testigo sa krimen na kasalukuyang iniimbestigahan.
The post Testimonya ni Cunanan pinag-aaralan ulit ng DoJ appeared first on Remate.