HUMIRIT kaninang umaga si Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo sa Sandiganbayan na payagan siyang makauwi ng dalawang araw sa kanyang distrito para ipagdiwang ang kanyang kaarawan.
Sa isang text message, kinumpirma ni Atty. Modesto Ticman na humiling ang kongresista sa Anti-Graft Court ng birthday furlough mula Abril 4 hanggang 6 upang maipagdiwang ang kanyang ika-67 kaarawan sa darating na Abril 5 kasama ang mga Kabalen.
Nakasaad din sa inihaing apat na pahinang mosyon ni Ticman na si Arroyo ang sasagot sa gastusin kabilang ang pagkain, panggasolina at iba pang gastusin ng mga escort nito sakaling payagan ng korte.
Kasamang isinumite ng kongresista ang kanyang birth certificate.
Ayon sa abogado, magsasagawa ng pagdinig ang Sandiganbayan tungkol sa nasabing kahilingan sa Huwebes ng alas-8:30 ng umaga.
The post CGMA humirit ng birthday furlough appeared first on Remate.