KINARDYAK ng dalawang armadong kalalakihan ang van ng Kapamilya actor na si Arron Villaflor sa Quezon City, kaninang 4 ng hapon, Marso 9.
Sa ulat ng Anti-Carnapping Unit ng QC Police District, ang nagmamaneho ng Toyota Super Grandia ni Villaflor ay ang kanyang driver na si Jeffrey John Valdez.
Ayon dito, hinihintay niya ang kapatid ni Villaflor na si Nikki na may binibili sa isang bookstore sa Quezon Avenue nang lumapit sa kanya ang dalawang suspect at tinutukan siya ng baril.
Minaneho ng isa sa dalawang suspek ang sasakyan ni Villaflor na may conduction sticker na TW4208 at pinadapa ang driver sa loob nito.
Habang sakay pa sa van, narinig pa ni Valdez na may kausap sa cellphone ang isa sa mga suspek at binanggit ang pangalang “Niknok”.
Mula sa Quezon Avenue, ibinaba ng mga suspek si Valdez sa Mindanao Avenue – NLEX interchange at doon natagpuan ng mga nagpapatrolyang awtoridad na wala na itong damit.
Kuwento naman ni Nikki, palabas na siya mula sa bookstore nang makitang may dalawang hindi kilalang tao ang nagbukas ng kanilang van.
Nang makatunog, hindi na tumuloy ang dalaga pa sa paglabas.
Humingi na ng kopya ng kuha ng closed circuit television (CCTV) camera ang awtoridad mula sa bookstore at sa Expressway Management sa pag-asang nahagip ng mga kamera ang insidente at ang mukha ng mga suspect.
The post Van ng actor na si Arron Villaflor, na-carjack sa QC appeared first on Remate.