MATAPOS ang halos tatlong taon na pagiging “sex slave” ng 16-anyos na dalagita sa kanyang manyakis na amain, lakas-loob na nagsumbong sa sariling ina ang biktima sa panghahalay sa kanya ng suspek na nagresulta sa pagkakaaresto nito sa Taguig City kagabi.
Kalaboso ang suspek na si Julian Montalto, ng Barangay Western Bicutan, makaraang ireklamo ng panghahalay ng biktima na itinago sa pangalang “Christina.”
Batay sa salaysay ng biktima, ilang ulit na siyang hinahalay ng amain kung saan nagsimula pa ito noon pang buwan ng Abril ng taong 2011.
Walang lakas ng loob na magsumbong ang biktima sa kanyang ina dahil na rin sa banta ng suspek na may masamang mangyayari sa kanilang mag-ina sa oras na may makaalam sa nangyayaring panghahalay.
Ginagawa ng suspek ang kahalayan sa anak ng kanyang kinakasama sa tuwing nasa trabaho ang ina nito.
Alas-11 kagabi, muling ginapang ng suspek ang dalagita habang mahimbing nang natutulog at naramdaman na lamang ng biktima na hinuhubaran na siya ng suspek.
Sa kabila ng pagpupumiglas ni Christina, nanaig pa rin ang lakas ng amain at matagumpay na nailugsong muli ang kanyang puri.
Matapos ang panghahalay, nagsumbong na ang biktima sa kanyang ina nang dumating ito mula sa pagtatrabaho na naging dahilan ng pagkakadakip sa suspek.
The post 16-anyos tatlong taong sex slave ni tatay appeared first on Remate.