IKINATUWA ng Malakanyang ang pagkakahuli sa negosyanteng si Delfin Lee na itinuturong mastermind sa P6.6-billion Globe Asiatique scam.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, magandang hakbang ito sa pamahalaan dahil tatakbo na ang nasabing kaso.
Sa kabilang dako, inulan naman ang pamahalaan ng iba’t ibang tanong sa bagay na ito kung saan ang posisyon ng Pag-Ibig, DoJ at ng pamahalaan ay malalaman sa oras na ibaba na ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ukol sa isa sa limang respondents na imposible nang maparusahan sa syndicated estafa, dahil apat na lamang ang lumalabas na respondents dito.
At dahil apat na lamang ang respondents ay agad na aapela ang pamahalaan sa Korte Suprema.
Sa kanyang pagkakaalam, si Lee ay dinala sa Pampanga RTC para sana dumalo ng pagdinig sa kanyang kaso subalit sa kasamaang-palad ay wala ang judge at executive judge lamang aniya ang nandoon.
Sa ngayon aniya ay hinihintay nito ang commitment order sa kaso ni Lee.
Umapela naman ang Malakanyang sa mga nabiktima ng grupo ni Lee na huwag mawalan ng pag-asa dahil sa napakatagal na panahon na nabinbin ang kaso laban sa mga estapador.
Bukod kay Lee, pinaghahanap din ang iba pang pugante na sina dating Army general Jovito Palparan, Dinagat Rep. Ruben Ecleo, at New People’s Army (NPA) leaders Benito Tiamzon at Jorge Madlos.
The post Pagkasilo kay Delfin Lee ikinatuwa ng M’cañang appeared first on Remate.