DAHIL sa magandang idinulot ng pagpapatupad ng “truck ban” sa Maynila kung saan napabilis ang trapiko, nagpalabas ng kautusan ang alkalde ng pamahalaang lokal ng Parañaque na ipatutupad na rin nila ang kahalintulad na kautusan upang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa kanilang lungsod.
Batay sa kautusan ni Paranaque City Mayor Edwin Olivarez, ipatutupad ang truck ban sa Doña Soledad Avenue at mga kalye ng France, Magdalena at Japan na nasasakupan ng Barangay San Antonio patungo sa barangay Don Bosco.
“Halos araw araw ay dinadaanan ko ito, matindi ang pagsisikip ng daloy ng trapiko dito, karamihan na mga dumadaan ay mga naglalakihan truck kaya’t kailangan na rin naming ipatupad ang truck ban sa mga nasabing kalye” ani Olivarez.
Ayon kay Olivarez, mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon ang itinalagang window hours sa truck ban.
Dagdag pa nito, ang mga nabanggit na kalye ay masyadong masikip at makitid ang kalye kaya’t kailangan ipatupad ang naturang truck ban.
Napag-alaman kay Olivarez na matagal na umano itong ordinansa ngunit ngayon lang nila ito naipatupad.
Paniwala ni Olivarez na ang pagpapatupad nila ng truck ban sa kanilang lungsod ay solusyon sa nararanasang mabigat na daloy ng trapiko sa kanilang lugar kung saan inihalintulad nito ang ginawang panukala nila Manila Mayor Joseph Estrada at Vice Mayor Isko Moreno sa lungsod ng Maynila.
The post Truck ban, ipatutupad na rin sa Parañaque appeared first on Remate.