MAHIGIT 100 kongresista ang maaapektuhan sakaling maipasa at maging isang ganap na batas ang Anti- Political Dynasty Bill.
Ani Caloocan City Rep. Edgar Erice, aabot sa 150 kongresista ang maaapektuhan ng panukala na ngayon ay naipasa na ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.
Nangangahulugang ganito karami ang bilang ng mga kongresista na may immediate family na sabay na tumakbo nitong eleksyon at nakaupo ngayon sa gobyerno.
Giit ni Erice, ito aniya ang realidad na maaaring maging dahilan para hindi makakuha ng suporta sa hanay ng mga kasalukuyang kongresista ang panukalang ito.
Nakapaloob sa Anti-Political Dynasty Bill na iniendorso na sa plenaryo, na isa lamang sa bawat pamilya ang papayagang sumabak sa halalan para maiwasan na ang masyadong concentration ng kapangyarihan sa iilang pamilya lamang.
Naniniwala si Erice na isa sa may akda ng panukala na maaaring hindi pa rin itinatakda ng liderato ng Kamara ang sponsorship at debate sa plenaryo dahil marami sa mga kongresista ang ayaw sa bersiyong ito.
Isusulong naman ni Erice na mapalabnaw ang nilalaman ng anti-political dynasty bill sa oras na maisalang na ito sa period of amendments.
Ito ay upang makatakbo aniya ng sabay ang kahit dalawa sa miyembro ng iisang pamilya. Nauna nang inamin ni House Speaker Feliciano Belmonte na malabong maipasa sa plenary ang anti-political dynasty bill dahil ang mayorya sa miyembro ng Kamara ay siguradong tututol dito.
The post Anti-political Dynasty bill malabo na appeared first on Remate.