PIPILITIN ng Malakanyang na mapauwi sa bansa ang businessman na si Manuel K. Amalilio, mastermind ng multi-billion peso Ponzi scheme sa kabila ng nakakulong na ito sa Malaysia dahil sa kasong paggamit ng pekeng pasaporte.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, hindi isyu sa kanila ang sentensiyang dalawang taon na pagkabilanggo kay Amalilio sa Malaysia dahil kahit na mabigat ang kasong kinahaharap nito doon ay hindi naman papayag ang Pilipinas na hindi rin pagdusahan ni Amalilio ang kanyang kinahaharap na kaso sa Pilipinas.
“It’s not a question of being acceptable to us, because those are Malaysian laws and those are—that is the legal process of Malaysia and, at this point, we do not wish to question their legal process also. We have very high regard for the legal process of any country—not just of Malaysia but all of the countries that we have relations with,” anito.
Wala namang matandaan si Usec. Valte na sinabi ni Sec. De Lima na ipipilit ng Malakanyang na mas malaking kaso ang kinahaharap ni Amalilio sa bansa kumpara sa Malaysia.
“I don’t think it’s having to pick one over the other. I don’t also recall… I saw the statement of Secretary De Lima and hindi naman po (ibig sabihin ‘non) na nag-i-insist (siya) na kailangan tayo ‘yung mauna or something to that effect. While this development may be construed as a delay, it will certainly not deter our efforts to bring him back,” anito.
Kumbinsido naman si Usec. Valte na hindi makasisira sa relasyon ng Pilipinas at Malaysia ang hangarin ng bansa na mapabalik sa Pilipinas si Amalilio.