GINAWANG hostage ng 49-anyos na babae ang kanyang mismong biyenan sa loob ng kanilang bahay sa Phase 2, Pinagsama Village, Taguig City kaninang umaga.
Bandang alas-7:30 ng umaga kanina ng gawing hostage ni Lucy Castillo ang biyenang si Estepania Batarina, 79, na dinala sa sa kuwarto bitbit ang patalim at gunting.
Hiniling ni Lucy na makausap niya si Konsehal Epi Bartolome na nabatid na dati niyang amo at sinubukan naman nitong makipag-negosasyon.
Ngunit nang i-lock na ni Lucy ang bintana at natunugang nagsimula nang manakit, sinunggaban na siya ng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT).
Mapalad na nailigtas ng mga pulis ang biyenan kung saan nasugatan pa ang isa sa kanila.
Base naman sa salaysay ng mga kaanak, may diperensya sa pag-iisip si Lucy at posibleng hinostage si Batarina matapos malamang dadalhin siya sa mental hospital.
Nasa kustodiya na ng Taguig Pateros District Hospital ang suspek at ang biktima.