INIIMBESTIGAHAN ng pulisya ang motibo sa pamamaslang sa dalawang babae na natagpuang wala nang buhay kung saan pinaghihinalaang pinatay ito sa pamamagitan nang pagpalo ng matigas na bagay sa kanilang ulo kaninang umaga sa Taguig City.
Inaalam pa ng pulisya kung ano ang relasyon ng dalawang biktima na ang isa ay inilarawan na nasa pagitan ng lima hanggang pitong taong gulang, nakasuot ng violet na t-shirt at denim pants, habang ang isa ay nasa pagitan ng 30 hanggang 35 na taong gulang, nakasuot ng pulang t-shirt at maong na pantalon.
Sa isinagawang imbestigasyon, alas-6:20 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng mga biktima sa southbound lane ng C-5 Road sa likuran ng Treston International College sa Fort Bonifacio.
Napag-alaman na huling nakita ng ilang testigo ang mga biktima alas-10:30 kagabi sa naturang lugar habang may kausap na isang lalaki.
Hinala naman ng pulisya na pinagpapalo ng bato sa ulo ang mga biktima dahil basag ang bungo ng mga ito na posibleng naging dahilan ng kanilang kamatayan.
Natagpuan din ng pulisya sa tabi ng mga bangkay ang malalaking tipak ng bato na may bahid ng dugo na hinihinalang ginamit ng salarin sa pamamaslang.
The post 2 babae basag ang bungo sa pamamalo appeared first on Remate.