PINAGSUSUMITE na ni Court Administrator Justice Jose Midas Marquez ng ulat ang Executive Judge ng Quezon City Regional Trial Courts kaugnay sa pag-atake kay Senior Deputy State Prosecutor Richard Fadullon.
Sa isang mensahe, sinabi ni Marquez na habang hinihintay pa ang ulat ay muli niyang pinaaalalahanan ang lahat ng mga hukom at court personnel na mahigpit na sundin ang ipinatutupad na security protocol sa mga hukuman.
Ayon kay Marquez, maiiwasan sana ang mga kahalintulad na insidente kung mahigpit lamang na naipatupad ang security protocol.
Ginawa ni Marquez ang pahayag matapos umapela si Prosecutor General Claro Arellano sa mga hukuman na higpitan ang seguridad sa mga courtroom kapag may pagdinig o sesyon para matiyak ang kaligtasan ng publiko, pati na ang seguridad ng mga prosecutor at mga hukom.
Magkagayunman, sinabi ni Arellano na nauunawaan niya na ang mga ganung insidente ay kasama sa mga panganib na kinakaharap ng mga piskal sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
Nasugatan si Fadullon nang sunggaban at sakalin ng isang nahatulan sa kasong kidnapping for ransom with homicide na nangyari matapos ang pagbasa ng hatol sa Quezon City RTC.
The post Report sa pananakal sa prosecutor sa QC pinasusumite appeared first on Remate.