SAMU’T SARING pagkaing ipinagmamalaki ng Marikina ang matitikman sa “Pakulo sa Marikina: Marikina Food Festival 2014”, isang proyekto ng pamahalaang lungsod na naglalayong ipakilala sa lahat na ang Marikina ay tahanan ng mga maipagmamalaking pagkaing may natatanging sarap.
Bilang isang makulay na bahagi ng pagdiriwang ng lungsod ng Arts Month, ang selebrasyon ay magsisilbing culminating activity ng pagdiriwang na magaganap mula Pebrero 28 hanggang Marso 1, mula 8:00 ng umaga sa Freedom Park, Brgy. Sta. Elena.
Tampok sa food festival ang pinagsama-samang sarap na ihahain ng mga miyembro ng Marikina Culinary Arts Guild na na kinabibilangan ng mga bantog na restaurant at catering services tulad ng Kusina ni Kambal, Martha’s Plate, CVJ, Ignacio’s, Sarah and Mae at La Pizza; ilang bakeshop, nagtitinda ng mga inuming pampalamig at restaurant sa lungsod tulad ng Bubba Lab Milk Tea, Mrs. Cheffy Catering Services, Auntie’s Bakeshop, Bellini’s, KKK Coffee/Tsaa Daloy, Sisig Hooray!, Kaf Restaurant, Pan de Amerikana at Luyong; kasama rin ang ilang paaralan at venues tulad ng PACE, Pamantasan ng Lungsod ng Marikina, OLOPSC HRM, Academy Asia, Water Nymph, Teatro Marikina, Sentrong Pangkultura (Kapitan Moy) at Marikina Hotel and Convention Center.
Tampok din dito ang ilang pagkaing matatagpuan sa mga karatig-lugar tulad ng Navotas (pica-pica, pinatuyong isda, at Rufina patis), Antipolo (Leleng Pasalubong, suman, kasuy, kalamay), Malabon (Pastillas, Polvoron, at iba pa) at Pateros (JCI-Pateros Balut). Matutunghayan rin sa food festival ang Artists Group (arts guild and paintings), San Juan LGU (Nenita Dolls), Snowpy Ice cream at Rodeo Star at Sterling Bank.
Panauhing pandangal sa pagbubukas ng dalawang araw na food festival sina Chef Jessie Sincioco at Junior Master Chef Champion Kyle Imao na magsasagawa ng cooking demo kasabay ng Julio’s ng Tri Dharma Food Services Corp, Appenzell Food Products, Marikina Culinary Guild, PACE, at OLOPSC-HRM.
Bukod dito, isasagawa rin ang Everlasting Fusion Competition, Flaring Exhibition, street party at Battle of the Bands.
“Nais nating ipakita sa lahat na ang Marikina ay hindi lamang tahanan ng mga Marikenyong may angking galing sa paggawa ng sapatos, kung hindi mga eksperto rin sa paglikha ng masasarap at natatanging pagkaing maaaring maipagmamalaki ng lungsod,” wika ni Mayor Del de Guzman.
Samantala, kabilang sa mga pagkaing ipinagmamalaki ng lungsod ay Everlasting at Waknatoy na pinakaaabangan sa food festival.
The post “Pakulo sa Marikina: Marikina Food Festival 2014” ilulunsad appeared first on Remate.