TINIYAK ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP) na hindi magdaragdag ng pasahe kahit maglagay pa ng speed limiters at CCTV sa mga pampublikong bus.
Sinabi ni PBOAP Pres. Alex Yague sa pagdinig ng House Committee on Transportation na ang pinakamalaking porsyento ng pinagbabatayan nila sa paghiling ng fare increase ay ang presyo ng gasolina.
Sakali man aniyang mapalaki ang gastos kung oobligahin silang magkabit ng speed limiter at CCTV ay maliit na porsyento lang ang kanilang ipapataw na dagdag singil.
Posibleng abutin lamang umano ng $150 hanggang $200 o wala pang P10,000 ang magagastos para sa pagkakabit ng isang speed limiter, pero hindi pa kaya rito ang ibang charges dahil sa abroad pa ito nabibili.
Ito ay matapos na suportahan na rin maging ng ilang kongresista ang mga panukalang batas para sa paglalagay ng speed limiter at CCTV para makaiwas sa mga aksidente at krimen sa mga PUV.
Kaugnay nito sa nasabing pagdinig, sinabi ni LTFRB Head Executive Assistant Mary Ann Salada na hindi na kailangan pa ng batas para obligahin ang bus operators na maglagay ng speed limiter dahil maaari namang sila na mismo ang mag-atas nito sa pamamagitan ng memorandum circular.
Ngunit iginiit ng may-akda ng panukala na si Sultan Kudarat Rep. Arnulfo Go na mas mabuti kung may batas para dito para matiyak na kahit magpalit man ng administrasyon ay hindi ito agad-agad mababago.
The post CCTV sa bus hindi dahilan ng fare hike – PBOAP appeared first on Remate.