INAASAHANG dadagsain ang mga lotto outlet sa bansa ng mga tumatangkilik nito makaraang may posibilidad na umabot sa mahigit P65 milyon ang jackpot prize ng 6/55 Mega Lotto na bobolahin sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Pasay City matapos wala ni isa mang nakasungkit sa tamang kombinasyon kagabi.
Ayon kay PCSO General Manager Jose Ferdinand Rojas II, walang pinalad na maiuwi ang may P62,402,176.00 premyo na katumbas ng lumabas na kombinasyong 08-51-11-48-34-10.
Dagdag pa ni Rojas, 11 lamang na mananaya ang nakakuha sa limang kombinasyon na may premyong P124,350.00.
Hindi rin nakuha ng mga mananaya sa lotto 6/42 ang kombinasyong 27-32-38-16-34-08 na kasunod na binola kamakalawa ng gabi na may kabuuan sanang jackpot prize na P17,406,600.00.
Patuloy namang nanawagan ang PCSO sa publiko na tangkilin at suportahan ang naturang loterya upang lalo pang lumaki ang bilang ng kanilang mga natutulungan lalo na ang mga dukha at maralita na may problema sa kalusugan at nangangailangan ng suporta at tulong pinansyal.
The post P65M jackpot prize sa 6/55 Mega Lotto appeared first on Remate.