TULUYANG hindi na nagising mula sa mahimbing na pagkakatulog ang isang security guard na nakatalaga sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) makaraang makipag-inuman sa kanyang mga kasamahang gwardiya kahapon ng umaga sa Pasay City.
Isinugod pa ng kanyang mga kapwa security guard sa San Juan De Dios Hospital ngunit ideneklarang dead-on-arrival ang biktimang si Ramon Cureg, stay-in guard ng CAAP na nasa kanto ng Old Mia Road at Ninoy Aquino Avenue.
Ayon kay Pasay City Police chief Senior Supt. Florencio Ortilla, bago nadiskubre ang bangkay ng biktima ay kasama pa siya ng mga kasamahang sina Romel Tan, Lloyd Bordalio at Hernan Lumagui sa masayang pag-iinuman sa loob ng kanilang barracks alas-7 ng gabi noong Biyernes.
Alas-8 nang magpasyang umuwi na sina Bordalio at Lumagui at ilang sandali pa’y natulog na rin ang biktima at si Tan matapos ligpitin ang naubos na botelya ng alak.
Sinabi ni Tan sa pulisya na nagising pa siya ng alas-5 ng madaling araw nang marinig ang pagsusuka ni Cureg na inakala niyang sanhi ng pagkalasing hanggang muli siyang nakatulog.
Pasado alas-6 ng umaga ng madiskubre na ni Tan na namumutla na ang labi ng biktima at hindi na kumikilos sa pagkakahiga kaya’t humingi na siya ng tulong sa mga kasamahan.
The post Sekyu todas matapos makipaglasingan appeared first on Remate.