HINIRANG na ni Pope Francis si Cotabato Archbishop Orlando Quevedo bilang Cardinal ng Simbahang Katoliko kanina sa isang special consistory na ginanap sa Vatican.
Tinanggap ni Quevedo mula sa Santo Papa ang kanyang red hat at singsing na simbolo ng pagiging miyembro niya ng College of Cardinals, sa isang seremonya.
Bukod kay Quevedo, 18 iba pang Obispo ang hinirang ng Santo Papa bilang mga bagong Cardinal.
Si Quevedo ay nagsilbi bilang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) mula 1999 hanggang 2003.
Siya ang magiging ikalawang aktibong Cardinal ng bansa, kasunod ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, na iniluklok bilang Cardinal dalawang taon na ang nakakaraan.
Bilang Cardinal, aasistihan ni Quevedo ang Supreme Pontiff sa pamumuno ng Simbahang Katoliko.
Isa sa pinakamahalagang gampanin ng Cardinal ay maghalal ng kapalit ng Santo Papa, sakaling mabakante ang puwesto nito.
Si Quevedo, 74, ang kauna-unahang Pinoy cardinal na itinalaga ni Pope Francis, at magiging ikawalong Cardinal ng bansa.
Ang iba pang Filipino cardinals ay sina Rufino Santos, Julio Rosales, Jaime Sin, Ricardo Vidal, Jose Sanchez at Gaudencio Rosales.
The post Quevedo hinirang ng Cardinal appeared first on Remate.