MALABO nang maipatupad ang 4-day school week dahil patapos na ang school year sa Marso.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Herminio “Sonny” Coloma Jr., na sakali at patulan ng Commission on Higher Education (ChEd) at Department of Education (DepEd) ang usaping ito ay posibleng maikasa ito sa susunod na pasukan.
Subalit, sa ngayon aniya ay kinakailangan munang magkaroon ng consensus building sa mga maaapektuhang stakeholders dahil importante aniya na marinig din ang panig ng mga ito.
Kaya nga aniya kung matatatandaan na sa mga naunang talakayan ay puro voluntary measures na maluwag sa kalooban ang kailangang maipatupad.
Nauna rito, suportado ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila ang panukala ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na magkaroon na lamang ng 4-day school at work week, bilang solusyon sa inaasahang mas paglala pa ng trapiko sa Kamaynilaan dala na rin ng sabay-sabay na konstruksiyon ng infrastructure projects.
Inihayag ni Manila Vice Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, siyento porsiyento siyang sang-ayon sa panukala ni MMDA Chairman Francis Tolentino, lalo na’t layunin nitong mapagaan ang trapiko.
Iminungkahi pa ni Moreno sa pamahalaan na simulan na ang panukala dahil malaki ang maitutulong nito para mabawasan ang foot at vehicular traffic.
Nabatid na ang lungsod ng Maynila ay mayroong 104 elementary at high schools at 11,000 city hall employees.
The post 4-day school week, malabo-Malakanyang appeared first on Remate.