BUKAS ang pamahalaan sa panukalang pagpupulong nina Pangulong Benigno Aquino III at Communist Party of the Philippines (CCP) founding chair Jose Maria Sison.
Sinabi ni Presidential Communications Operation Office (PCOO) Sec. Herminio “Sonny” Coloma Jr., na bahala na ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) na pag-aralan ang alok ni Sison
Aniya, makikipag-ugnayan ang OPAPP sa Norwegian facilitator para alamin ang eksaktong parametro ng bagong elementong ito ng pag-uusap nina Pangulong Aquino at Sison.
Matatandaang ang huling sigaw ng komunistang grupo ay ang patalsikin sa puwesto si Pangulong Aquino at ngayon naman ay bukas na sila sa pakikipag-usap sa Chief Executive.
Sa kabuuan aniya ay nanatili namang bukas ang pamahalaan sa lahat ng mga option na maaaring tahakin tungo sa usapang pangkapayapaan.
Iyon aniya ang dahilan kung bakit hindi lamang nakatuon ang pansin ng pamahalaan sa Bangsamoro Framework Agreement.
“Patuloy na umiiral iyong mga pakikipag-usap, pakikipagtalakayan sa lahat ng mga kasapi ng ating lipunan na mayroon pang nabibinbing usapin katulad nga noong sa CPP-NPA-NDF,” anito.
The post Pamahalaan bukas sa pakikipag-usap ni CPP founding chair Sison kay PNoy appeared first on Remate.